Nanawagan si Senate President Vicente Sotto III na isapubliko ang pangalan ng mga nakatanggap ng Social Amelioration Program (SAP) na emergency cash subsidy ng pamahalaan sa harap ng krisis dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Sotto, may mga natatanggap na itong reklamo mula sa mga low-income workers at mga miyembro ng vulnerable sectors ukol sa isyu ng pamamahagi ng cash subsidy na naglalaro mula P5,000 hanggang P8,000 piso.
Kasunod nito, iginiit ni Sotto na dapat i-upload ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang website ang mga pangalan, at lugar kung saan nakatira ang mga nakatanggap ng naturang ayuda simula ng ipamahagi ito.
Samantala, paliwanag pa ng senador, ang panawagang public disclosure ay makatutulong aniya sa mga mambabatas na malaman ang mga loopholes at kamalian sa sistema ng pamamahagi, maging ang posibilidad ng pang-aabuso mula sa panig ng local at national social welfare executives.