Nasa mahigit 40K pangalan na ng mga tricycle driver ang makakatanggap ng ayuda sa ilalim ng fuel subsidy program ng Pamahalaan.
Ito ang inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan nasa 44,299 na ang nasa listahan para sa naturang programa.
Ito ay sa kabila ng naging pahayag ni DILG Spokesman Undersecretary Jonathan Malaya na nasa 1.2M na mga tricycle driver at operator ang maaaring mapabilang sa mga makakatanggap ng nasabing ayuda.
Ipinabatid ni Malaya na tatlong rehiyon lamang sa buong bansa ang nakapagsumite ng mga listahan ng pangalan ng mga tricycle drivers sa kanilang kagawaran.
Kabilang dito ang Region 2, Region 9 at Cordillera Administrative Region.
Samantala, nakatakda namang isumite ng DILG sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang listahan upang masimulan na ang pamamahagi ng fuel subsidy.