Isa-isang sinagot ng dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang mga paninisi sa kanya sa pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano operations ng Philippine National Police (PNP), dalawang taon na ang nakakaraan.
Sa kanyang tatlong pahinang pahayag na ipinadala sa media, isinisi ng Pangulo ang pumalpak na operasyon sa mamasapano kay dating SAF Chief General Getulio Napeñas.
Ayon kay Aquino, batay sa presentasyon sa kanya ni Napeñas sa Oplan Exodus, isandaan at animnapung (160) seaborne operatives ng SAF ang sasabak sa tinatayang tatlong libong (3,000) potensyal na armadong kalaban.
Subalit, dahil aniya sa pangamba niyang mapintakasi o makuyog ng mga kalaban ang SAF, inutusan nya si Napeñas na makipag-ugnayan muna sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para maihanda ang mechanized units, eroplano at artillery bilang ayuda sakaling makuyog ang mga SAF troopers.
Gayunman, sinabi ni Aquino na matapos ang imbestigasyon, lumalabas na hindi isandaan at animnapu (160), kundi pitumpung (70) miyembro lamang ng SAF ang ipinadala sa misyon sa Mamasapano at limamput apat (54) dito ang operators.
Maliban dito, lumalabas na naging time after target na ang direktiba niya kay Napeñas na makipag ugnayan sa AFP.
Binigyang diin ng dating Pangulo na kung may kasalanan man siya sa pumalpak na operasyon na ikinasawi ng SAF 44, ito ay ang sobrang tiwala na ibinigay niya kay Napeñas na hindi niya inakalang magsisinungaling.
US participation
Iginiit din ni dating Pangulong Aquino na walang kinalaman ang Estados Unidos sa Oplan Exodus sa Mamasapano Maguindanao.
Binigyang diin ng dating Pangulo na wala siyang nakausap na Amerikano, bago at habang isinasagawa ang operasyon.
Kung tumulong man anya ang US, ito ay posibleng may kinalaman sa pinagmulan ng intelligence report hinggil sa kinaroroonan ni Zulkipli Binhir alias Marwan na siyang target ng Oplan Exodus.
Kasabay nito, idinepensa rin ng Pangulo si dating Presidential Peace Adviser Ging Deles na sinasabing pumigil sa kanya para magpadala ng air assets habang kinukuyog na sa Mamasapano ang SAF troopers dahil baka maapektuhan ang peace process sa MILF o Moro Islamic Liberation Front.
Ayon kay Aquino, ang katotohanan ay nagmula pa nga sa MILF counterpart ng government ceasefire committee ang abiso na may nangyayaring bakbakan sa Mamasapano.
Samantala, wala namang masabi ang dating Pangulo sa katanungan kung sino ang nakatanggap ng limang dolyar reward mula sa US para sa pagkakapatay kay Marwan.
Sinabi ng Pangulo na malinaw namang hindi sa Pilipinas galing ang reward kayat hindi sila nakikialam sa bagay na ito.
By Len Aguirre