Mananatiling bukas ang mga pantalan sa buong Pilipinas para sa lahat ng mga dadaong na barko kabilang na ang mga magmumula sa China at mga special administrative regions nito tulad ng Hong Kong.
Ito ang inihayag ng Philippine Ports Authority (PPA) sa gitna na rin ng pangambang hatid ng novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, hindi maaaring magpatupad ng entry ban sa mga barko dahil mapaparalisa nito ang import at export ng bansa na makakaapekto rin sa suplay ng ilang mga bilihin.
Gayunman, binigyang diin ni Santiago na pagbabawalan namang pababain ng barko ang mga tripulanteng nanggaling sa China at mga special administrative regions nito sa nakalipas na 14 na araw.
Sakali naman aniyang magpapalit ng mga tripulante ang dumaong na barko, kinakailangan aniyang sumailalim sa 14 na araw na quarantine ang pinalitang crew at papayagan lamang makauwi ng bahay kapag pinayagan na ng Department of Health (DOH).
Nilinaw naman ni Santiago na hindi na kakailanganin pang sumailalim sa mga nabanggit na panuntunan ang mga dadaong barko kung nakalipas na ng 14 na araw magmula ng magtungo ito sa China at mga rehiyon nito.