Aprubado na sa Committee on Local Government ng Senado ang mga panukalang naglalayong hatiin sa dalawang probinsya ang Maguindanao.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, chair ng naturang komite, kinakailangan na kasi ang mga pagbabago sa maguindanao dahil kahit pa mayaman ito sa mga likas na yaman, ay nanatili naman itong pinakamahirap na probinsya sa bansa.
Sa pagdinig ng Senado tinalakay ang Senate bills no. 1824 at 1714 nina Tolentino at kapwa senador Cythia Villar, maging ang House bill no. 6413 ni Maguindanao Representative Esmael Mangudadatu na magkakapareho ang layuning hatiin sa dalawa ang naturang lalawigan.
Mababatid sa panukala, ang Northern Maguindanao ay bubuuin ng 12 mga bayan habang 24 na mga bayan naman ang bubuo sa Southern Mindanao.
Kasunod nito, pag-uusapan pa ng Technical Working Group (TWG) ng komite kung ano ang magiging kapitolyo ng gagawing dalawang lalawigan.
Sa huli, iginiit ni Tolentino, na sa naturang hakbang ay naniniwala siyang magiging daan ito ng pag-unlad ng dalawang lalawigan lalo na ng mga residente nito.