Sinimulan na ng House Technical Working Group (TWG), Committees on Government Reorganization at Public Works and Highways ang pagtalakay sa 35 panukalang magtatatag sa Department of Water Resources at Water Regulatory Commission.
Pinangunahan ito nina Senior Deputy Speaker Gloria Arroyo at TWG Chairman, Albay 2nd District Rep. Joey Salceda.
Layunin ng mga panukala na magkaroon nalang ng isang departamento na mangangasiwa sa paggamit ng tubig sa bansa at tugunan ang nagbabadyang kakulangan ng tubig.
Iginiit ni Salceda na panahon na upang itatag ang ahensyang tututok sa pamamahala sa tubig lalo’t nakararanas ang bansa ng madalas na tagtuyot at baha.
Ipinunto naman ni Arroyo sa hiwalay nitong House Bill 482 ang responsibilidad ng gobyerno na tiyaking ligtas, accessible at abot-kaya ang inuming-tubig gayundin ang maayos na sanitation at irrigation service. —sa panulat ni Hannah Oledan