Naglatag na ng panuntunan ang Department of Transportation (DOTr) para sa lahat ng nasa sektor ng transportasyon na bibiyahe sa mga lugar na isinailalim na sa general community quarantine (GCQ).
Batay sa inilabas na guidelines ng DOTr na epektibo na kahapon, Mayo 1, obligado ang lahat ng mga driver, kundoktor maging ang mga pasahero na magsuot ng facemask at hand gloves.
Kailangan ding panatilihing malinis ang mga sasakyan gayundin ang mga terminal at dapat din itong palagiang isinasailalim sa disinfection.
Dapat ding kalahati lang mula sa normal na bilang ng mga pasahero ang dapat isakay ng mga bus at modernized jeepneys kabilang na rito ang mga driver at kundoktor.
Hanggang dalawang sakay naman sa bawat hanay ang maaaring isakay ng mga UV express at taxi para may physical distancing habang isa lang ang maaaring isakay ng tricycle.
Bawal pa rin ang backriding sa mga motorsiklo habang kailangang essential trip lang ang uubra para sa mga pribadong sasakyan batay na rin sa panuntunan ng Inter Agency Task Force (IATF).