Walang ipatutupad na pagbabago ang Department of Transportation o DoTr sa mga panuntunan sa sektor ng transportasyon sa National Capital Region, Bataan at Laguna kahit ibinaba na ito sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ epektibo bukas, Agosto a-21.
Ito’y ayon kay Transportation Sec. Arthur Tugade ay sa kadahilanang nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 lalo na ng Delta variant na siyang dahilan ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso nito bawat araw.
Dahil dito, pinaalalahanan ng kalihim ang publiko na mahigpit pa ring sundin ang minimum health and safety protocols kontra COVID-19 partikular na ang pagsusuot ng facemask, face shield gayundin ang pagpapanatili sa physical distancing kapag sumasakay ng public transport.
Batay sa umiiral na panuntunan ng IATF, mananatili pa rin sa 50 percent ang maximum capacity sa mga pampublikong bus at jeepney, ibig sabihin, kailangang “one seat apart” ang mga pasahero, bawal din ang tayuan at bawal umupo malapit sa driver ng sasakyan.
Bagama’t pinapayagan ang biyahe ng mga tricycle subalit kailangang iisa lang dapat ang sakay nito, maaari ring makabiyahe ang mga TNVS morotcycle taxi’s ngunit dapat ay may sariling helmet ang pasahero.
Mahigpit ding sasalain ang mga sasakay sa iba pang mass transit tulad ng Light Rail Transit o LRT Lines 1 at 2 gayundin sa Metro Rail Transit o MRT Line 3 kung saan, mga Authorized Persons Outside of Residence o APOR lamang ang papayagan at dapat magpakita sila ng katibayan tulad ng ID at iba pang dokumento.
Tuloy pa rin ang biyahe ng mga Eroplano at Barko subalit depende pa rin sa umiiral na Quarantine Classification ng destinasyon kung maaari o hindi na makapasok ang mga nagmula sa MECQ areas. — ulat mula kay Jaymark Dagala.