Makakatanggap ng kaparehong cash incentives ang mga Paralympian na nakapag-uwi rin ng karangalan sa bansa.
Batay sa Senate Bill 1442 na inihain ni Senator Jinggoy Estrada, pinaaamyendahan ang Section 8 ng Republic Act 10699 o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act” para sa pantay na insentibo ng bawat mga atleta.
Ayon kay Estrada, dapat maging pareho ang matatanggap na incentives sa pagitan ng mga National Athlete at mga atletang may kapansanan na parehong sumungkit ng karangalan at nagpakita ng tapang, husay at determinasyon sa larangan ng pampalakasan.
Sa ilalim ng naturang panukala, ang mga Paralympian na nakasungkit ng gintong medalya ay makatatanggap ng P10M; P5M para sa nakasungkit ng pilak; at P2M naman sa mga nakasungkit ng bronze medals sa Summer at Winter Olympics.
Bukod pa dito, isinusulong din ang pagbibigay ng P2M sa mga gold medalists sa Asian Para Games habang P300,000 naman mula sa kasalukuyang P150,0000 na insentibo para sa makakakuha ng gintong medalya sa ASEAN Para Games.