Pumalag ang Department of Energy (DOE) sa mga birada ni Sen. Manny Pacquiao laban sa kanilang kagawaran.
Ayon kay Energy Assistant Sec. Gerardo Erguiza Jr., sinabi nitong walang batayan ang mga paratang ng senador.
Giit ni Erguiza, kulang sa research si Pacquiao at tila dala lang ng galit kay Energy Sec. Alfonso Cusi ang dahilan ng pagkaladkad nito sa kagawaran sa usapin ng katiwalian.
Magugunitang isiniwalat ni Pacquiao na kinumisyon ng DOE ang kumpaniyang independent electricity market operator of the philippines para patakbuhin ang energy stock market na hindi dumaraan sa proseso.
Pero depensa ni Erguiza, hindi maaaring i-bid ang pagiging market operator dahil walang panuntunang nagtatakda rito salig sa umiiral na government procurement act.
Ang patatatag ng independent market operator ani Erguiza ay mandato ng EPIRA Law at naatasan lamang ang DOE na magbalangkas ng polisya para rito.