Walang nasaktan sa 420 pasahero at crew ng Saudia Flight S-V-8-6-2 na nabalahaw sa Taxiway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1.
Ito ay matapos lumagpas ang anim na right landing gears ng eroplano, sa dulo ng Taxiway Charlie habang papunta sa paradahan nito sa Terminal 1.
Naganap ang insidente bandang ala-1:47 kahapon.
Batay sa ulat, naghintay pa nang higit dalawang oras sa arrival area ng terminal ang mga pasahero para mailabas ang kanilang mga bagahe.
Hindi naman nila namalayan ang nangyari, dahil nagbigay lang ng anunsyo sa eroplano na matatagalan ang kanilang pagbaba.
Naialis na rin ang eroplano sa Taxiway pasado alas-5:30 kahapon.
Kinansela na muna ang return flight ng Saudia Flight na nakatakda sanang lumipad kahapon.
Nagpapasalamat naman ang mga sakay na pasahero na ligtas silang nakauwi.—ulat mula kay Raoul Esperas (Patrol 45)