Sa kabila ng pagbubukas ng runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Sabado ng tanghali, nanatiling stranded sa NAIA terminal 1 ang mga pasahero ng Hong Kong Airlines hanggang linggo ng umaga.
August 17 alas 6:55 ng umaga ang orihinal na alis ng Hong Kong Air flight 702 mula NAIA patungong Hong Kong.
Gayunman dahil sa aberyang naidulot ng sumadsad na Xiamen Airlines nadelay ang biyahe.
Ayon sa mga apektadong pasahero, nagprovide naman ng hotel accommodation ang Hong Kong Air mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng tanghali.
Nang magbukas ang runway ng Sabado ng tanghali ay dinala na sila sa boarding area. Gayunman, inabot na ng linggo ng umaga ay bigo pa rin silang makasakay ng eroplano.
Ayon sa isa sa mga pasahero na si Mrs. Borinaga, sa umpisa ay sinabihan sila ng mga crew na wala pang gate na available. Sunod na dahilan naman ang crew legality, pagod na umano ang mga piloto at crew sa sunud sunod na biyahe kaya kailangan ng pahinga.
Dahil sa haba ng pagkaka-stranded marami ng pasahero ang nagalit at nadismaya. Humihingi rin sila ng konkretong paliwanag mula sa mga crew na hindi rin makapagbigay ng eksaktong oras kung kailan sila makalilipad.
Ang mga pasaherong senior citizen naman ay nakaranas na ng pagkahilo at nagrequest na ng wheel chair. Mayroon ding nag nose bleed.
Mula din sa huling pagkain na ibinigay sa kanila ng Sabado ng alas 2:00 ng hapon ay hindi na sila pinadinner at alas 4:00 na ng madaling araw ng linggo naulit ang pagbibigay sa kanila ng pagkain.
Nanawagan ang mga pasahero sa airport authorities na tugunan ang kanilang hinaing.
Sa inilabas na latest advisory ng MIAA wala sa listahan ang Hong Kong Air Flight 702 sa mga kanseladong biyahe gayong hindi pa rin ito nakakaalis ng NAIA hanggang sa ngayon.