Hinihimok ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang mga mananakay ng LRT line 2 na bumili at gumamit na ng mga tinatawag na multiple journey tickets o beep card.
Ayon kay LRTA Spokesperson Atty. Hernando Cabrera, layunin nitong mabawasan ang posibilidad ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil sa malimit na pagbili ng ticket.
Dagdag ni Cabrera, plano na rin nilang bawasan paunti-unti ang pagbebenta ng ticket sa mga teller booth para maiwasan na rin ang human to human transaction.
Sa halip ay kanilang palalakasin ang paggamit ng mga ticket vending machine para sa pagbebenta ng mga ticket.
Malaking bilang pa din ng mga pasahero natin na pagpasok nila sa trabaho sa umaga bibili ng ticket, pag-uwi nila galing opisina pauwi ng bahay bibili ulit ng ticket. So, everyday dalawang beses sila na pumipila so, ini-encourage namin sila ngayon kung pwede mag-ipon tayo, na magbayad na lang ng good for 3 days o kaya yung good for 1 week yung ating bibilin na ticket para minsanan lang yung bili at maiwasan nga yung transmission kasi nga yung transmission na (baka) manggaling mismo sa ticket or dun sa pera, dun sa barya”, ani Carbrera.
Samantala, sinabi ni Cabrera na kabilang din sa kanilang inilatag na protocol ang pagsasailalim sa ultraviolet disinfection process ng lahat ng tingi-tingi o single journey ticket ng LRT-2.
Tutal itong single journey ticket natin ‘to araw-araw kinokolekta natin yun, ibabalik dun para lagyan ng coding, so, isasama na natin siya sa project na kapag nilalagyan sila ng coding idi-disinfect din natin,” ani Cabrera.