Nasa 3,000 pasahero sa Iloilo International Airport ang damay din sa naranasang aberya sa Ninoy Aquino International Airport nitong bagong taon.
Magugunitang kinansela ang flights mula at patungo sa nasabing airport sa Bayan ng Cabatuan matapos maantala ang flight operations sa NAIA sa unang linggo ng taong 2023.
Batay sa datos ng airline companies, nasa 800 pasahero ng Philippine Airlines ang apektado sa Iloilo International Airport; halos 1,400 sa Cebu Pacific at halos 500 sa Air Asia.
Maraming pasahero rin ang nagulat at dismayado dahil ilang oras ang kanilang hinintay bago tuluyang nakaalis.
Bagaman nagbalik na ang flights mula Iloilo kahapon, marami pa rin ang kanselado.
Una nang ipinaliwanag ng Civil Aviation Authority of the Philippines na ang pagka-antala ng operasyon ay bunsod ng problema sa electrical network ng kanilang Communications, Navigation and Surveillance-Air Traffic Management System.