Mas kakaunti ang bilang ng mga pasaherong naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga pantalan ilang araw bago ang Pasko.
Kumpara ito sa nakasanayang dagsa ng mga tao na magsisiuwian ng mga probinsiya noong mga nakaraang taon.
Ayon kay PCG Spokesman Commodore Armand Balilo, pangunahing dahilan nito ang nararanasang COVID-19 pandemic.
Dagdag pa aniya rito ang mga hinihinging travel documents ng halos lahat ng Local Government Units (LGU’s) sa mga nagnanais umuwi ng kanilang mga lalawigan.
Samantala, sinabi ni Balilo na nagtalaga pa rin sila ng mahigit 2,000 mga tauhan para matiyak ang kaligtasan ng mga manlalakbay ngayong Pasko at bagong taon sa kabila ng bumabang bilang ng mga manlalakbay.