Nilinaw ni Transportation Secretary Jaime Bautista na hindi obligasyon ng kagawaran at Civil Aviation Authority of the Philippines na bayaran o bigyan ng refund ang mga pasaherong apektado ng aberya sa NAIA.
Tugon ito ni Bautista sa hirit ni Albay Rep. Joey Salceda sa gobyerno, partikular sa DOTr at CAAP, na bayaran ang libu-libong pasaherong naperwisyo dahil sa power outage sa air traffic management system ng bansa.
Ayon kay Bautista, kailangang pag-aralang mabuti ang ligalidad nang pagbabayad ng danyos sa mga air traveller na naapektuhan ng airspace shutdown na bumuluga noong bagong taon.
Naka-atang anya sa mga airline company ang obligasyon ng pagbibigay ng refund dahil dito nagbayad ng pamasahe o binili ng mga pasahero ang kanilang ticket.
Gayunman, idinagdag ni Bautista na maaari pa rin namang “morally obligated” ang DOTr at CAAP na magbayad.