Nakapagtala ng panibagong 70 kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa cruise ship na Diamond Princess na nananatili namang naka-quarantine sa Japan.
Ayon kay Japanese Health Minister Katsonobu Kato, umakyat na sa 355 ang kabuuang kaso sa nabanggit na cruise ship.
Samantala, inihahanda naman ng Hong Kong ang eroplanong susundo sa kanilang mga mamamayan na nakasakay sa Diamond Princess.
Sa pahayag ng Hong Kong Security Bureau, ikinakasa na nila ang isang chartered flight na siyang mag-uuwi sa kanilang mga mamamayan oras na kinumpirma na ng Japanese authorities ang kanilang plano.
Magugunitang, isinailalim sa quarantine ang Diamond Princess magmula ng dumating ito sa Yokohama, Japan noong Pebrero 3, matapos namang magpositibo sa COVID-19 ang isang pasahero nito na bumaba sa Hong Kong.