Tuloy ang dagsa sa iba’t-ibang transport terminal ng mga biyaherong mag-u-undas sa kanilang mga probinsya, sa kabila ng pagsasara ng mga sementeryo hanggang November 2.
Kabilang sa dinumog ang mga bus station sa Metro Manila, tulad ng Parañaque Integrated Terminal Exchange, Ninoy Aquino International Airport, Manila North at South Harbor maging ang Batangas Port.
Sinamantala ng mga pasahero ang long weekend upang makauwi at kahit nadaragdagan ay hindi pa ito maikukumpara sa mga nakasanayan bago magpandemya.
Tinaya ng Department of Transportation sa 164,000 ang naitalang departure ngayong Oktubre 2021 kumpara sa halos 49,000 sa kaparehong panahon noong isang taon.
Sa PITX, nasa 50,000 ang dumagsa kumpara sa 75,000 bago magkaroon ng pandemya.
Inihayag naman ni Batangas Port Manager Joselito Sinocruz na nasa 2,000 kada araw ang umaalis sa pier pero mas marami ang dumarating na patungong Metro Manila na aabot sa 4,000 hanggang 5,000. —sa panulat ni Drew Nacino