Patuloy ang dagsa sa mga transport terminal tulad ng mga pantalan maging sa mga expressway ng mas maraming pasaherong uuwi sa mga probinsiya ngayong Semana Santa.
Inaasahan din ang paglobo ng mga biyahero sa Araneta Center Bus Terminal sa Cubao, Quezon City ngayong Miyerkules Santo lalo’t huling araw ng trabaho para sa ilan.
Nag-iikot naman ang mga pulis, tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang mapanatiling maayos ang seguridad sa lugar.
Sa North Luzon Expressway (NLEX), nakaramdam kahapon ng umaga nang pagbigat ng daloy ng trapiko sa bahagi ng tollway.
Dahil dito, nasa 700 teller at patrol officers ang ipinakalat sa NLEX at sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) para paigtingin ang traffic management at koleksiyon ng toll.
Tututukan din ng pamunuan ng NLEX ang Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue, Tarlac, San Miguel at Tipo toll gates sa mga kritikal na oras simula ngayong Miyerkules hanggang Lunes, Abril 22.