Tila matumal ang unang araw nang pagbabalik kalsada ng mga UV express ngayong araw na ito.
Nabatid na iilang pasahero lamang ang sumakay sa UV express sa mga terminal mula alas 5:00 ng madaling araw hanggang alas 7:00 ng umaga.
Taliwas ito sa dating sitwasyon kung saan ay alas 5:00 pa lamang ng madaling araw ay dagsa na ang mga pasahero partikular sa Metro Rizal UV Transport Service and Multipurpose Cooperative Terminal sa Antipolo City.
Ganito rin ang kasalukuyang sitwasyon sa biyahe ng mga UV express sa Marikina City at San Mateo sa Rizal.
Sinasabing mababa ang bilang ng mga pasaherong sumasakay sa UV express dahil sa point to point trip ng mga ito base na rin sa kautusan ng gobyerno sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Karamihan umano sa mga pasahero ay kailangang ibaba sa ibang lugar sa kahabaan ng ruta kaya’t nagpasya ang ilang commuters na sumakay na lang ng ibang public transportation.
Mahigpit namang pinaiiral ang minimum health protocols sa mga itinakdang terminal ng mga UV express.