Nagsimula nang dumagsa ang mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga lalawigan kaugnay sa araw ng mga patay.
Sa Araneta Bus Terminal Sa Cubao, Quezon City, isa sa mga pangunahing terminal sa Metro Manila, madaling araw pa lamang ay nakapila na ang mga pasahero na excited nang makauwi at makabisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sinabi naman ng mga dispatcher ng bus companies, tulad ng Dimple Star na may biyaheng Iloilo, Capiz, Aklan at Antique, hindi pa fully booked ang kanilang mga biyahe at kaunti pa lang ang may advance booking.
Gayundin ang sitwasyon sa Mega Bus Line na may biyaheng Tagbilaran, Bohol, Catarman at Tacloban.
Inaasahan namang mas madadagdagan pa ang bilang ng mga pasahero sa naturang terminal sa Lunes, Oktubre 30, ito ay dahil special non-working holiday ang Oktubre 31.
Magsasagawa din ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng inspeksyon sa iba’t ibang bus terminals sa Lunes para matiyak ang level of preparedness ng mga ito.