Tatlong kumpaniya ng bus biyaheng probinsya ang sinampolan ng pinagsanib na puwersa ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board at ng MMDA o Metro Manila Development Authority.
Ito’y makaraang mapaso na kahapon ang ibinigay na palugit para sa mga bus companies na may terminal sa kahabaan ng EDSA upang makasunod sa ipinatupad na Nose-in, Nose-out policy.
Partikular sa mga terminal na ipinasara nila MMDA Chairman Danny Lim at LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada ay ang Dimple Star Bus sa bahagi ng Main Avenue, RORO Bus Transport sa bahagi ng EDSA – Santolan at DLTB na nasa panulukan ng EDSA at Timog Avenue.
Maliban sa paglabag sa pinaiiral na polisiya, ilan pa sa mga naitalang paglabag ng Dimple Star at ng RORO Bus ay ang kawalan ng permit at kakulangan sa maayos na pasilidad para makapag-operate bilang terminal.
Habang ang DLTB naman ay kusa nang isinara ng may-ari nito makaraang sitahin ng MMDA bunsod na rin ng kalawan ng kaukulang permit mula sa Quezon City Government.
By: Jaymark Dagala
Mga pasaway na bus terminal sa EDSA ipinasara ng LTFRB at MMDA was last modified: July 20th, 2017 by DWIZ 882