Hindi palalampasin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pang-aabuso at kawalang disiplina ng mga drivers ng mga pampasaherong sasakyan.
Tinukoy ni Atty. Ariel Inton, Board Member ng LTFRB ang driver ng jeepney na naningil ng hindi tamang pasahe at pinababa pa ang bulag nitong pasahero gayundin ang driver ng bus na umararo sa plastic barriers ng MMDA.
Sinabi ni Inton na ipinatawag na nila ang operator ng jeepney gayundin ng bus upang iharap sa LTFRB ang kanilang driver.
Binigyang diin ni Inton na hindi mangingimi ang LTFRB na tanggalan ng lisensyang makapagmaneho ang mga mapang abusong drivers.
“75 years old, matanda binastos, hindi ibinigay yung tamang pasahe eh bakit pa natin patatagalin yung jeepney driver na humawak ng manibela? Kapag kinatwiran niya na may pamilya siya, eh may pamilya ka pal asana ay nagiging maayos yung pagmamaneho, yung isa pang driver, umararo ng mga plastic barrier, na-identify nap o siya, eh kung inararo niya ay puro tao eh di lalo nang napasama.” Pahayag ni Inton.
Taxi and bus fare
Dedesisyunan na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pagbaba ng pasahe sa mga taxi at bus.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, board member ng LTFRB, hindi lamang ang minimum na pasahe ang kinukunsidera nila sa pagbaba ng pasahe sa bus upang makinabang naman ang mga bumibiyahe ng malayuan.
Pinawi ni Inton ang pangamba ng mga mananakay na hindi magagalaw ang pasahe sa bus at taxi dahil papataas na uli ang presyo ng mga produktong petrolyo.
“Madedesiyunan na po yan, tama po yan na mga ganyang computations, kailangan na din nilang matikman ng mga bus passengers ang pagbaba ng krudo, kino-consider na din po namin ang previous rollback, ang pagbaba noon, assuming na tumaas ng piso, mababa pa rin.” Pahayag ni Inton.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas