Tumulak na kaninang madaling araw patungong Basilan ang ilang pulis iskalawag na ipinatatapon doon ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Oscar Albayalde, limampu’t tatlo (53) pa lamang mula sa tatlongdaan at sampung (310) pulis iskalawag ang nai-reassign sa Basilan dahil sa ang ilan ay mayroon pang court duties at schooling.
Gayunman, pagpapaliwanagin naman aniya ang malaking bilang ng mga pulis na hindi nagreport sa kanilang tanggapan para sa reassignment.
“Actually, nasabihan na natin sila earlier, since last week, I think Friday nabigyan na sila ng mga copies ng mga orders and they were informed by the different districts na mag-report.” Ani Albayalde
Iginiit ni Albayalde na posibleng masibak sa serbisyo ang mga pulis na magmamatigas na magpa-reassign sa Basilan.
“Grave misconduct po yun kasi non-compliance to a lawful order, that’s another administrative case sa kanila kung meron na silang dati pang administrative case, yun lang hindi pag-attend sa formation, they need to explain also, kasi kung 3 beses na nagkaroon tayo ng accounting, 3 beses din silang wala.” Pahayag ni Albayalde
Samantala, nakadepende sa Pangulong Rodrigo Duterte kung hanggang kailan mananatili sa Basilan ang mga ipinatapon doon na pulis iskalawag.
Ayon kay Albayalde, batay sa unang utos ng Pangulo ay dalawang taon kailangang magsilbi sa Basilan ang mga na-reassign doon na pulis.
Umaasa naman si Albayalde na magbabago ang mga pulis iskalawag na ipinatapon sa Basilan.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni NCRPO Chief Oscar Albayalde
By Ralph Obina | Ratsada Balita (Interview)