Siniguro ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) tutuntunin nila ang lahat ng nasa likod ng iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Ito ang iginiit ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr., matapos ipasara ang Lucky 99 South Outsourcing Inc. Facility sa Pampanga na sangkot sa human trafficking ng mga dayuhang Chinese.
Dagdag pa ni Abalos na may mga pinaghahanap pa ang pulisya para panagutin sa nasabing kaso.
Sa ginawang pagsalakay ng mga otoridad sa kumpanya ay may inabutan pang 40 Chinese nationals sa lugar at 200 iba pa sa isang hotel na karamihan ay pawang hindi dokumentado at walang mga pasaporte.
Tiniyak ng kalihim na isasailalim silang lahat sa documentation ng Bureau of Immigration (BI) para hindi na mabiktima.
Kasabay nito, nakiusap si Abalos sa publiko na makipagtulungan sa PNP upang matuldukan ang ganitong uri ng kriminalidad.