Maaaring makaboto ang mga COVID-19 patients o may sintomas ng virus sa 2022 national elections.
Ito ang tiniyak ni Commission on Election Spokesperson James Jimenez sa ginanap na Online Forum sa pangunguna ni Committee on People’s Participation Chairman Florida “Rida” Robes.
Ayon kay Jimenez, sa mismong araw ng halalan ay papayagang makaboto ang mga may COVID-19 o may sintomas ng sakit pero nakasegragate o nakahiwalay ang polling precinct ng mga ito.
Sa ganitong paraan aniya ay ma-i-exercise pa rin ng mga maysakit ang kanilang “right of suffrage” dahil hindi naman dinidiskwalipika ng pagkakaroon ng COVID ang karapatang bumoto ng mga tao.
Giit pa ni Jimenez, ang strategy na ito ay ginawa na nila kamakailan sa plebesito sa paghahati ng palawan kung saan naging matagumpay ang nasabing hakbang.
Samantala, pinag-aaralan na rin ng COMELEC na limitahan ang maaaring makapasok sa bawat polling precinct upang masunod pa rin ang ipinapatupad na health protocols.