Nasunog ang bahagi ng National Children’s Hospital sa E. Rodriguez Senior Avenue sa Quezon City kaninang alas 10:28 ng umaga.
Batay sa ulat, nagsimula ang apoy sa ika – pitong palapag ng building 3 ng ospital kung saan may mga ginagawang konstruksyon.
Ayon kay Quezon City Fire Marshal Senior Supt. Jaime Ramirez, halos 200 mga pasyente ang inilikas at pansamantalang inilipat sa katapat na fast food chain at iba pang gusali ng National Children’s Hospital.
Habang may mga naantala ring medical tests matapos mawalan ng kuryente ang ospital dahil sa sunog.
Itinaas din ang sunog sa ikatlong alarma bago ito naapula pasado alas onse bente kaninang umaga.
Umabot naman sa P200,000 ang halaga ng pinsala sa ospital habang patuloy na iniimbestigahan ang pinagmulan ng sunog.