Dumipensa ang Joint Task Force COVID-19 Shield sa mga naging patutsada ni Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles laban sa mga ipinatutupad na health protocols ngayong COVID-19 pandemic.
Ito’y makaraang sabihin ng dating Arzobispo sa kaniyang sermon kamakailan na hindi na kailangan ng pagsusuot ng iba’t-ibang personal protective equipment (PPE) tulad ng face mask, face shield at pagpapanatili ng social distancing.
Ayon kay Joint Task Force COVID-19 Shield Commander P/Ltg. Guillermo Eleazar, bagama’t isa siyang Katoliko, naniniwala rin naman siya sa kasabihang “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa”.
Magugunitang binigyang diin ng dating Arzobispo sa kaniyang sermon na naniniwala siyang mahal ng Diyos ang tao kaya’t ang mga ipinatutupad aniya ng pamahalaan ang siyang naglalayo sa tao sa Diyos.
Bagama’t iginagalang nila si Archbishop Arguelles bilang isa sa mga maimpluwensyang pinuno ng Simbahang Katolika, dapat pa ring alagaan ng lahat ang kanilang mga sarili upang hindi madapuan ng nasabing sakit.
Iginiit pa ni Eleazar na hindi dapat nagbabanggaan ang relihiyon at agham o siyensya lalo na sa COVID-19 kaya’t mas mainam kung magtutulungan ito upang makamit ng tuluyan ang inaasam na “heal as one” ng lahat ng Pilipino.