Kumpiyansa ang Malakaniyang na tama lamang ang pinaikling holiday truce o tigil putukan sa CPP-NPA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa bagong kautusan ng Pangulo, magsisimula ang tigil putukan ng ala-6:00 ng umaga ng Disyembre 23 at magtatapos ng ala-6:00 ng gabi ng Disyembre 26.
Masusundan naman ito mula ala-6:00 ng umaga ng Disyembre 30 na magtatagal naman hanggang ala-6:00 ng gabi ng Enero a-dos ng bagong taong 2018.
Samantala, ayaw nang patulan ng Malakaniyang ang naging pahayag ni CPP-NPA-NDF Founding Chairman Jose Maria Sison.
Ito’y makaraang tawagin ni Sison na isang “sham” o panlilinlang lamang ang idineklarang unilateral ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga komunista.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, para sa mamamayan at sa diwa ng Pasko ang idineklarang ceasefire ng Pangulo at hindi na ito kailangan pa ng anumang paliwanag.
Nakalulungkot aniyang hindi maramdaman ni Sison ang tunay na diwa ng kapaskuhan dahil wala naman aniya ito sa Pilipinas.