Nasa 100,000 pang mga Pilipinong nasa ibang bansa ang inaasahang mai-re-repatriate pabalik ng Pilipinas sa susunod na dalawang buwan.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin Jr., kanya nang ni-re-align ang pondo ng kagawaran para mailaan bilang karagdagang budget sa repatriation efforts.
Kabilang na aniya rito ang pagpapatigil sa pagsasaayos sa gusali ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi ni Locsin, karamihan sa mga tutulungang makabalik ng Pilipibas ang manggagawang Pilipino na naapektuhan ang pangkabuhayan sa ibang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Dagdag ni Locsin, sa pinakahuling datos, umaabot na sa mahigit 100,000 Pilipino mula ibang bansa ang kanilang na-repatriate magmula nang mag-umpisa ang pandemiya noong Pebrero.
Aniya, ito na ang pinakamalaking repatriation effort sa buong kasaysayan saan mang dako ng mundo.