Patuloy na tumatanggi ang Bureau of Corrections (BuCor) na pangalanan ang mga inmates na nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kabila ito ng death certificate at kumpirmasyon mula sa Office of Panteon De Dasmarinias na sila ang nag-cremate ng labi ni JB Sebastian na dinala sa kanila pasado alas nueve ng gabi noong July 18.
Isang high profile inmate si Sebastian sa New Bilibid Prison (NBP) na isa sa mga testigo sa drug charges laban kay Senador Leila De Lima.
Ayon kay Col. Gabriel Chaclag, Spokesman ng Bureau of Corrections (BuCor), sumusunod lamang sila sa data privacy act at ipinauubaya sa pamilya kung nais nilang maisapubliko ang pagpanaw ng kanilang kaanak.
Sinabi sa DWIZ ni Chaclag na mula April 27 hanggang sa kasalukuyan ay nasa 18 nang inmates ang nasawi sa COVID-19.
Apat anya rito ang mula sa Correctional Institute for Women (CIW) samantalang 14 ang mula sa iba’t-ibang security camps sa NBP.
Meron ding process na sinusunod yun, ang ating ginagawa ay kumukuha sila ng passes from the New Bilibid Prison Superintendent Office para makuha nila yung remains sa funeral homes o sa ating crematorium. Meron ding hindi nagke-claim dahil siguro sa difficulty of transporstation pero binibigyan pa rin natin ng pagkakataon sila,” ani Chaclag. — panayam mula sa Ratsada Balita.