Nagbabala sa publiko ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa kumakalat na mga pekeng pera ngayong nalalapit ang kapaskohan.
Kasunod ito ng pagkakaaresto ng Criminal Investigation and Detection Group sa dalawang lalaki sa Cebu City na nakuhanan ng mahigit 100,000 libong piso na mga pekeng pera.
Ayon kay Chief Gen. Guillermo Eleazar, sa tulong ng mga tauhan ng CIDG at Bangko Sentral ng Pilipinas ay nahuli ang mga suspek na kinilalang sina Ivan Noval Luardo, 35-anyos na nakuhanan ng 88 libong pisong halaga ng pekeng tig-isang libo at 500 at Joseph Mercado Salas, 36-anyos na nakuhanan naman ng 24 na libong pisong halaga ng mga pekeng tig-isang libo at 500 piso.
Ayon sa mga tauhan ng BSP, walang kaukulang mga security features ang mga nakumpiskang pera na posibleng kumakalat na ngayon sa publiko habang papalapit ang kapaskuhan.
Pero base impormasyong nakalap ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang mga counterfeit na money ay nakalaan umano para sa halalan sa susunod na taon.
Dahil dito, nanawagan si Eleazar sa publiko na maging maingat sa pagtanggap o mga natatanggap na pera at suriing mabuti ang pagkakaiba ng tunay na pera sa pekeng pera dahil maraming indibiduwal o grupo ngayon ang mananamantala para makapangloko ng kapwa ngayong pasko hanggang sa eleksiyon ng susunod na taon.—sa panulat ni Angelica Doctolero