Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na magkakaroon ng desisyon ang mga petisyon at mga kasong nakabinbin sa kanilang ahensya laban sa mga kandidato sa ikalawa hanggang ikatlong linggo ng buwan ng Abril.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, mismong si COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan ang nagsabi na tatapusin ng kanilang ahensya ang desisyon sa mga petisyon bago matapos ang susunod na buwan.
Kabilang sa mga nakabinbin sa comelec en banc ang motions for reconsideration ng mga nagpapadis-qualify kay dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos na una nang ibinasura sa first division ng comelec.
Kumpiyansa naman ang COMELEC na may sapat pang panahon at oras bago ang eleksiyon sa Mayo a-9 kahit pa umakyat ang naturang usapin sa korte suprema.
Samantala, umapela naman ang komisyon sa mga kandidato ng 2022 elections na sumunod sa ipinatutupad na protocols para hindi maging super spreader event ang campaign rallies. – sa panulat ni Angelica Doctolero