Pinag-aaralan na ng Toll Regulatory Board o TRB ang posibleng epekto ng Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law sa toll fee.
Ayon kay Engineer Bert Suansing, Spokesman ng TRB, isinasabay na nila ito sa mga petisyon para sa mas mataas na toll fee sa Cavitex, Star Toll Way at maging sa NLEX.
Gayunman, nilinaw ni Suansing na ang mga petisyon para sa toll fee increase ay wala pang kaugnayan sa TRAIN.
“’Yung petition na sinasabi ko yung increase na ‘yan is nakapaloob ‘yan doon sa kanilang kontrata na pinirmahan with the government like for example yung Metro Pacific na nung nakipag-pirmahan sila sa gobyerno at that time ay allowed sila na manghingi ng increase, ang tawag natin diyan ay periodic increase, every 3 years so ngayong 2018 ay hingian yan ng increase ng toll fee.” Ani Suansing
Samantala, ibinalik na sa dating sistema ng Skyway management ang paniningil ng toll fee.
Sa harap ito ng dalawang araw na monster traffic na naranasan sa Skyway dahil sa binagong sistema ng pagbabayad ng toll fee.
Ipinaliwanag ni Suansing na ang paggamit ng Skyway management sa lumang toll booth sa C-5 Flyover ang naging ugat ng matinding trapik sa Skyway.
“Ang hindi na-anticipate ay yung paghahalo-halo ng mga sasakyan na nakapag-bayad na doon sa Alabang, sa may Sucat at Bicutan versus mga sasakyang hindi pa nasisingil so nagkakaroon ng gridlock so nag-desisyon tayo na ihinto muna ‘yun balik ulit sa dati doon sa Alabang ang singilan ng mga sasakyang galing ng South, maliban sa mga buses na sisingilin sila doon pa rin sa bagong toll plaza.” Pahayag ni Suansing
(Ratsada Balita Interview)