Libo-libo ang sumugod sa opisina ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ito ay dahil mayroon umanong “hidden wealth” ang BSP para sa taumbayan.
Ayon sa founder at lider ng Democratic and Republican Guardians Philippines Inc. na si Gilbert Langres, mayroong nakatagong P100 trillion ang BSP.
Mayroon pang bitbit na mga dokumento ang itinaguriang “Noble Prince” na patunay raw na “matured” na ang pondo at maaari na itong makuha.
Aniya, nagtungo sila sa tanggapan upang iparating na kailangan nang gamitin ng mga “tagapagmana” ang kanilang itinagong kayamanan.
Kabilang sa mga pumunta sa BSP ang senior citizens na sinabihang hindi sila uuwi nang luhaan kung makiisa sila sa naturang “Claimant Holder Taker Celebration Day.”
Ang ilan sa kanila, gumastos pa ng ilang libo para sa pamasahe at renta ng mga sasakyan.
At nang tanungin kung bakit sila sumugod sa BSP, iisa lang ang kanilang naging sagot: kailangan nila ng pera para sa pang-araw araw na gastusin.
Nilinaw naman ng BSP na hindi ito direktang naglalabas ng pera para sa publiko at sa halip, nagbibigay ito ng pondo sa pamahalaan upang magamit sa kanilang mga programa.
Nakakatawa man para sa iba ang naging kilos-protesta, hindi maikakailang sumasalamin ito sa kalagayan ng mga Pilipinong desperado nang makatikim ng kaginhawaan mula sa nararanasang matinding kahirapan.