Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi pababayaan at kaniyang ipagpapatuloy ang pagkalinga sa mga Pilipinong lubos na nangangailangan ng tulong.
Sa naganap na unang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM kahapon, kaniyang inatasan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pangunahan ang mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad at iba pang nararanasang krisis sa bansa.
Iniutos din ng Pangulo na maglaan ng karagdagang warehouse na pag-iimbakan ng mga relief goods para sa mga maaapektuhan ng biglaang sakuna partikular na sa mga probinsya na madalas tinatamaan ng bagyo.
Bukod pa dito, siniguro din ni PBBM na magiging maayos ang koordinasyon ng DSWD sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para mapabilis ang pagpapatupad ng Emergency shelters assistant program at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program para matulungan ang mga maaapektuhan ng kahit anong uri ng kalamidad.