Mahigpit na pinaalalahanan ng liderato ng Philippine National Police o PNP ang kanilang mga tauhan na dapat sundin ang mga ipinatutupad na alituntunin ng Commission on Election o COMELEC ngayong panahon ng Halalan.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, simula pa lang ang ginagawa nilang balasahan sa mga pulis na may ka-anak na tumatakbo sa halalan o iyong mga identified sa mga incumbent na kandidato.
Ginawa ni Carlos ang pahayag bilang pagtitiyak na dapat ang PNP ay manatiling apolitical at non-partisan hindi lang sa tuwing panahon ng Halalan kungdi maging sa lahat ng panahon.
Sinabi pa ng PNP Chief na patuloy siyang nakatatanggap ng mga sumbong at impormasyon mula sa mga tauhan sa field hinggil sa ilang iregularidad na ginagawa ng mga pulis na may kinalaman sa eleksyon.
Dalawang beses aniya nitong bineberipika ang mga sumbong na kaniyang natatanggap at tiniyak niyang may kalalagyan ang mga ito sakaling mapatunayang lumabag sila sa mga ipinatutupad na patakaran ng PNP.