Ibinabala ng dalawang food agencies ng United Nations ang namemeligrong kaliwa’t kanang food crisis sa mundo.
Bunsod ito ng climate change tulad ng tagtuyot at epekto ng COVID-19 pandemic at giyera sa Ukraine na nagresulta sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo at pagkain.
Ayon sa UN–World Food Program (WFP) at Food and Agriculture Organization (FAO), lubhang maaapektuhan ng global food crisis ang milyun-milyong pinaka-mahihirap na pamilya.
Lumala anila ang sitwasyon sa nakalipas na mahigit isang dekada, partikular sa Indonesia, Pakistan, Peru at Sri Lanka.
Ipinanawagan din ng WFP at FAO ang agarang humanitarian action upang masaklolohan ang mga apektadong pamilya sa mga inaasahang hunger hotspot sa mga susunod na buwan.
Nagbabala rin ang dalawang nabanggit na UN agencies na labis nang nakaapekto sa walang prenong pagtaas ng presyo ng pagkain at enerhiya ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia, simula noong Pebrero.