Malaya pa rin ang mga Pilipino na bumiyahe sa South Korea, sa harap ng political tension kaugnay ng laban-bawing pagdedeklara ng martial law sa naturang bansa.
Sa bagong Pilipinas ngayon public briefing, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega na wala pang itinatataas na alert level sa South Korea, at wala ring ipinatutupad na travel ban.
Gayunman, pinaalalahanan ni Usec. De Vega ang mga pilipinong magtutungo sa South Korea na dapat na batid nila ang kasalukuyang sitwasyon at iwasang magtungo malapit sa border o demilitarization zone.
Iniulat din ng DFA official na nananatiling kalmado ang mga overseas filipino worker sa naturang bansa.
Ayon sa DFA, tinatayang nasa 78,000 mga Pilipino ang nagtatrabaho sa South Korea, na karamihan ay machine operators, managers, at farm workers.