Hindi napigilan ang maraming pilipinong dumagsa sa mga sementeryo sa bisperas ng todos los santos kahit maulan, maputik at baha.
Mas pinili ng mga tao na magtungo sa mga campo santo kahapon upang makaiwas sa inaasahang dagsa ng mas maraming bibisita ngayong araw o sa bisperas ng mismong araw ng mga patay.
Sa Obando Public Cemetery sa Bulacan, pinayuhan ng lgu ang mga bumibisita na magsuot ng bota lalo’t hindi pa tuluyang humuhupa ang bahang iniwan ng bagyong paeng.
Burak at baha rin ang sumalubong sa mga nagtutungo sa ilang panteyon sa Marilao, Bulacan maging sa Dagupan City, Pangasinan dahilan upang hindi na nagawang linisin ang mga ito.
Samantala, muling pina-alalahanan ng Department of Health ang publiko na mag-ingat sa paglusong sa baha dahil sa banta ng leptospirosis at iba pang water-borne diseases.
Inabisuhan din ng DOH ang mga bibisita sa sementeryo na magsuot ng bota at maghugas ng paa matapos lumusong sa baha.