Maaari nang lumabas ng bahay ang mga Pilipino na edad 15 hanggang 17 at 65 na gustong magpa-rehistro para sa Philippine Identification System (PhilSys).
Ito ang inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque makaraang maglabas ng resolusyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na nagsasaad na ang pagpaparehistro sa PhilSys ay maituturing na isang “essential government service” at suporta na rin sa vaccine deployment.
Sa ilalim ng Republic Act 11055 o PhilSys Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018, obligadong kumuha ng PhilID o national ID ang lahat ng mga Filipino citizens at mga dayuhang nasa bansa.
Layon nitong mapalitan ang iba’t ibang government IDs para na rin sa kaginhawaan ng publiko na nakikipag-ugnayan sa pribado man o pampublikong establisimyento.
Inaasahang magagamit ang national ID para makapag-bukas ng bank account at maging sa digital transactions tulad ng cashless payment system at iba pa.