Muling tumaas ang bilang ng mga Pinoy na nasawi sa Saudi Arabia.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, umabot na sa 287 ang mga Pinoy na nasawi sa naturang bansa.
Sa datos, 107 sa mga ito ang namatay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), habang ang 180 nito ang namatay dahil sa ibang dahilan.
Ayon kay Bello, kung pahihintulutan ng kagawaran ng transportasyon, mayroon aniyang dalawang cargo plane na susundo sa mga labi, ngayong weekend.
Kasunod nito, pinalawig pa ng Saudi Arabia ang panahon na asikasuhin ng Pilipinas ang pag-uwi sa mga labi ng mga Pinoy. Ito’y matapos na humiling ang bansa sa karagdagang oras para iproseso ang mga hakbang dito.
Pero paliwanag ni Bello, kanilang papakiusapan ang mga naiwang pamilya ng 107 na nasawing Pinoy dahil sa virus, na sa Saudi Arabia na lang ilibing ang mga ito.
Giit ni Labor Secretary Bello, posible kasing delikado ang gagawing hakbang at maaari pang may mangyaring kontaminasyon, oras na iuwi ang mga labi na mga Pinoy na namatay dahil sa COVID-19.