Ligtas na lahat ang 11 Pinoy seafarers na una nang napaulat na nawawala matapos ang kambal na pagsabog sa capital city ng Beirut sa Lebanon.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ipinaabot sa kanila ng embahada ng bansa sa Lebanon na ang mga naturang Pinoy seafarers ay nagtamo ng bahagyang sugat sa kanilang mga katawan at nasa custody na ng kanilang shipping company.
Tiniyak naman ng DFA na ligtas ang lahat ng mga tauhan ng embahada at walang napaulat na danyos sa nasabing tanggapan, bagamat dalawang Pinoy ang kumpirmadong nasawi sa nasabing pagsabog.
Samantala, pinauuwi na ng Malakaniyang ang mga OFW na nasa Lebanon.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na nakahanda na ang ayuda ng gobyerno sa mga Pinoy na nais umuwi ng bansa mula sa Lebanon at mayruon nang abiso ang DFA para sa repatriation.
Una nang nagpaabot ng pakikiramay ang Malakaniyang sa mga nationals ng Lebanon at sa gobyerno nito gayundin sa pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa nasabing kambal na pagsabog.