Hindi na kakailanganin pang sumailalim sa 14 na araw na quarantine ng mga Pilipinong magmumula sa iba pang mga bansang apektado rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) tulad ng Macau at South Korea.
Ito ay sakaling magsagawa rin ng repatriation o paglilikas ng mga Pilipino mula sa mga nabanggit na lugar ang pamahalaan.
Paliwanag ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, iba kasi ang sitwasyon ng mga umuwi mula Wuhan City sa China na siyang epicenter ng COVID-19 at Diamond Princess cruise ship sa Japan.
Ayon kay Vergeire, kanila lamang ituturing ang mga ito bilang persons under monitoring (PUM) at aatasan na sumailalim sa home-based quarantine.
Mahigpit din aniyang imomonitor ng Department of Health (DOH) ang kondisyon ng mga ito.