Pinayuhan ng embahada ng Pilipinas sa Brussels ang mga Pilipino na maging vigilant.
Kasunod na rin ito ng pagdedeklara ng alert level 4 matapos ang pamamaril at pambobomba sa Brussels Zaventem International Airport at Maalbeek metro subway station sa Belgium.
Inabisuhan din ni Ambassador Victoria Bataclan ang mga Pinoy na iwasang magtungo sa mga matataong lugar tulad ng malls at recreation centers.
Tinatayang 7,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Belgium.
DFA: Remain calm
Pinapayuhan ng Philippine Embassy sa Belgium ang Pilipino roon na maging kalmado sa gitna nang nangyaring pagpapasabog sa Zaventem Airport at train station sa Maelbeek sa Brussels, Belgium.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Assistant Secretary Charles Jose kasunod nang patuloy na pakikipag-ugnayan ng Philippine Authorities sa Filipino community sa nasabing bansa.
“Nakipag-ugnayan na po ang ating Embassy sa Brussels sa Filipino community roon, inabisuhan na po unang-una is to remain calm, huwag pong mag-panic, sundin po ang mga kautusan ng local authorities, stay indoors, manatili muna sa loob ng kanilang mga bahay, iwasan muna ang public places, at kung may mga anything na suspicious ay i-report po agad sa kanilang security agencies.” Pahayag ni Jose.
Tiniyak sin ni Jose na patuloy silang magbibigay update hinggil sa sitwasyon sa Belgium.
Aniya base sa pinakahuling impormasyon na ipinarating sa kanila, walang Pilipinong nadamay sa pagsabog sa Brussels.
Siniguro rin ni Jose na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Philippine authorities sa Filipino community sa nasabing bansa.
“Mahigpit po ang seguridad nasa highest alert level ang Belgium ngayon at pinag-iingat po ang mga tao doon.” Dagdag ni Jose.
By Judith Larino | Meann Tanbio | Balitang Todong Lakas