Pinag-iingat ngayon ng Embahada ng Pilipinas sa Washington ang mga Pilipinong malapit sa lugar na posibleng daanan ng Hurricane Dorian sa Florida, sa USA.
Ayon sa Miami-based National Hurricane Center, lubhang mapanganib ang Hurricane Dorian na kasalukuyang kumikilos pa-hilagang kanluran malapit sa Bahamas at papalapit naman sa Florida Peninsula.
Inaasahang magiging sanhi ito ng pagkakaroon ng storm surge at magdudulot ng pagtaas ng antas ng tubig mula 10 feet hanggang 15 feet sa hilagang-kanlurang bahagi ng Bahamas.
Nagbabala rin ang embahada, batay na rin sa datos mula sa National Hurricane Center, ng posibleng pagkaranas ng malakas na buhos ng ulan sa Bahamas, Florida at sa ibang lugar sa timog-silangang bahagi ng Amerika ngayong weekend hanggang sa susunod na linggo.
Tinatayang nasa 25,000 Pinoy ang naninirahan sa Jacksonville habang nasa 143,000 Pinoy naman ang naninirahan sa Florida.
Patuloy naman ang ginagawang pagmomonitor ng embahada sa panahon at pakikipag-ugnayan sa mga Pinoy at Filipino-American communities sa mga nasabing lugar.