Naging katuwang ang Filipino community sa iba’t ibang bansa para sa pagpapakalat ng tamang impormasyon upang mapigilan ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus.
Ayon kay Consul General Val Roque ng Philippine Embassy sa Bangkok, Thailand, nuon pang nakaraang buwan sila nagpalabas ng mga paalala mula sa health experts para mapangalagaan ang kalusugan ng tinatayang 28,000 mga Pinoy sa nasabing bansa.
Nagkaroon din ng information session para sa Filipino community sa Germany para maunawaang mabuti ang nCoV at kung papaano makakaiwas dito.
Nagpaalala rin sa mga Pilipino ang Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur, Malaysia para sa tamang personal hygiene, pag-iwas sa matataong lugar at tamang paraan ng pagbahing at pag-ubo.
Kasabay nito, hinikayat ng nabanggit na mga embahada ang mga pilipino na agad magpatingin sa doktor sakaling makaramdam ng anumang sintomas ng pagkakaroon ng nCoV.