Maayos ang kalagayan ng mga Pilipinong nasa Japan partikular yung mga nakatira sa Tokyo.
Tiniyak ito sa DWIZ ni Philippine Ambassador to Japan Manuel Lopez sa gitna na rin nang pananalasa ng bagyong Etau sa naturang bansa.
Gayunman, ipinabatid ni Lopez na patuloy ang mahigpit na monitoring nila sa ilang malalayong lugar sa Japan na kadalasang nagkakaroon ng landslide at flashflood.
“Ang report ng mga leader namin dito sa Japan ay malamang may napasama sa evacuation pero mga napinsala wala naman daw, okay naman ang mga kababayan natin, except doon sa mga areas na susceptible sila sa mga landslides, ‘yun lang ang mga minomonitor natin pero ‘yung mga syudad, kagaya ng Tokyo, wala, we’re all okay.” Pahayag ni Lopez.
Gayunman, hirap ang Philippine authorities na tukuyin ang kinaroroonan ng ilang Pilipino sa Japan.
Inamin ito ni Philippine Ambassador to Japan Manuel Lopez kasunod nang mahigpit na monitoring sa iba pang Pilipinong posibleng naapektuhan ng bagyong Etau sa naturang bansa.
Sinabi sa DWIZ ni Lopez na naka-depende na lamang sila sa ilang Pinoy na nagsisilbing community leaders sa iba’t ibang lugar sa Japan para matagpuan ang mga Pilipino na karamihan ay may asawang hapon.
“Ang mga kababayan natin are all over Japan kaya minsan hindi namin kaagad ma-trace sila dahil ang mga asawa nila ay Japanese, hindi naming Makita ang mga Filipino names nila sa local registry, kaya umaasa na lang kami sa mga leader natin sa mga komunidad o sa mga parishes na kilala sila.” Dagdag ni Lopez.
By Judith Larino | Kasangga Mo Ang Langit