Walang Pinoy na nadamay at nasawi sa nangyaring pagguho ng isang dam sa timog na bahagi ng Laos.
Batay sa ulat, nag-collapse ang Xe-Pian-Xe Nam Noy Hydropower Dam noong Lunes dahil sa matinding pag-ulan na naging dahilan para kumawala ang milyun-milyong toneladang tubig sa hindi bababang anim na bayan sa Attapeu Province.
Ayon kay Philippine Ambassador to Vientianne Belinda Ante, ligtas lahat at hindi naapektuhan ng pagbaha ang sampu (10) mula sa dalawampu’t walong (28) Pinoy na nakarehistro sa embahada na nananatili sa lugar.
Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Pilipinas sa pamilya ng mga nasawi at biktima ng gumuhong dam.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, handang tumulong ang bansa sa kapwa ASEAN country nito matapos maiulat na higit animnalibong (6,000) residente na ang nawalan ng tirahan matapos masalanta ng tubig mula sa nasabing dam.
—-