Pinag-iingat ng pamahalaan ang mga Pilipino sa Lebanon sa gitna ng nagaganap na kilos protesta doon.
Sa ipinalabas na anunsiyo ng embahada ng Pilipinas sa Beirut, kanilang pinayuhan ang mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa nabanggit na bansa na umiwas sa mga lugar na maraming tao, may nagaganap na kilos protesta o nagsusunog ng mga gulong.
Para na rin anila sa kaligtasan at kapakanan ng na lahat, iginiit ng embahada na makabubuti kung manatili na lamang muna sa loob ng bahay kung wala namang mga mahahalagang gagawin sa labas.
Dagdag ng Philippine Embassy, kung kinakailangan ng tulong maaaring tawagan ng mga Pilipino sa Lebanon ang numerong 03859430.
Batay sa ulat, ginamitan na ng tear gas ng mga pulis ang libu-libong mga raliyista ang nagmartsa sa iba’t ibang lugar sa lebanon para ipanawagan ang pagbaba sa puwesto ng kanilang mga lider na nasasangkot sa katiwalian.